Muling nakiusap sa Korte Suprema ang nakakulong na si Sen. Leila de lima na payagan siyang dumalo at maglatag ng argumento laban sa ginawang pag-atras ng Pilipinas sa Rome Statute, ang tratadong bumuo ng International Criminal Court (ICC).
Una nang ibinasura ng mataas na hukuman ang katulad na hirit ni De Lima noong Agosto 7 dahil kasalukuyan itong nakakulong bunga ng kasong may kaugnayan sa droga.
Subalit naghain ng motion for reconsideration ang kampo ng senadora at iginiit na payagan siyang lumahok sa oral arguments sa Agosto 28 tungkol sa usapin dahil hindi rin naman ito nangangahulugang laya na siya.
Maliban kay De Lima, kasama rin sa mga naghain ng petisyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at senators Francis Pangilinan, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Risa Hontiveros, at Antonio Trillanes IV.