Nagpalipas na ng kanyang unang gabi sa PNP Custodial Center si Senadora Leila de Lima.
Ito ay matapos ang kanyang pagsuko sa mga awtoridad kahapon bilang pagtalima sa ipinalabas na arrest warrant ng Muntinlupa Regional Trial Court hinggil sa mga kaso nitong may kinalaman sa droga.
Sa kanyang pagsuko, nananalig ang senadora na malalagpasan niya ang mga kinakaharap na pagsubog at lalabas din ang buong katotohanan at makakamit niya ang hustisya.
Simple lamang ang detention cell ni De Lima kung saan walang aircon at tanging electric fan, single bed at sariling banyo ang kanyang dinatnan.
Mahigpit na ipinagbabawal kay De Lima ang paggamit ng cellphone at iba pang gadgets.
Pinapayagan namang dumalaw sa Senadora ang kaanak at kaibigan nito tuwing alas-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon sa mga araw ng Martes hanggang Linggo.
Kabilang sa mga unang dumalaw kahapon kay De Lima ay ang anak nitong si Israel, Congresswoman Kaka Bag-ao at Senador Antonio Trillanes IV.
Si De Lima ay ang ika-26 at nag-iisang babae na nakakulong ngayon sa PNP Custodial Center.
Kabilang sa mga kilalang personalidad na nakakulong dito ngayon maliban kay De Lima ay sina dating Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Mahigpit naman ang bilin ni De Lima sa kanyang mga staff na patuloy na maghain ng mga resolusyon sa Senado.
By Ralph Obina
Photo: PNP