Pinaiimbestigahan ni Senadora Leila De Lima sa senado ang naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang Boracay Island sa loob ng anim na buwan.
Sa inihaing Senate Resolution Number 715 ni De Lima, iginiit nito na ang pagpapasara sa isla ay hindi maituturing na pinakanararapat, makatwiran at mabuting solusyon sa problemang kinahaharap ng Boracay.
Dagdag pa ni De Lima, wala ring inilatag na sapat na plano para sa rehabilitasyon ang pamahalaan gayundin ang kaukulang suporat sa mga manggagawa at residenteng apektado ng pagsasara ng Boracay Island.
Sinabi pa ng Senadora, ang naging kautusan ng pangulo ay nagpapakita ng senyales ng pagiging diktador ng administrasyon at taliwas sa isinusulong umanong pederalismo, decentralisasyon at devolution.
Binigyang diin pa ni De Lima ang pagkakaroon ng transparency at accountability measures lalo’t malaking pondo ng gobyerno ang magagamit sa pagsasara at rehabilitasyon ng Boracay Island.