Tinawag na “prisoner of lust” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakakulong ngayon sa Philippine National Police o PNP Custodial Center na si Senador Leila de Lima.
Ito ay bilang reaksyon sa pahayag ni De Lima na siya ay “prisoner of conscience” dahil sa pagkakakulong sa kanya sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon sa Pangulo, ay dapat mahiya si De Lima sa kanyang pinagsasabi at hindi dapat tawaging “prisoner of conscience” dahil sa totoo ay “prisoner of lust” ang naging dahilan bakit ito nakulong.
Dito, tinukoy ng Pangulo ang nabunyag na relasyon ng senadora sa driver at bodyguard nito na si Ronnie Dayan na umaming tumatanggap ng drug money sa ngalan ni De Lima na noon ay kalihim pa ng Department of Justice o DOJ.
Binalewala din ni Pangulong Duterte ang panawagan ng ilang grupo na palayain si De Lima dahil may matibay aniyang basehan ang kinakaharap nitong kaso.
—-