Byaheng Camarines Sur na si Senador Leila De Lima para bisitahin ang kanyang inang may sakit.
Ito ay matapos na payagan ng dalawang korte sa Muntinlupa Regional Trial Court ang senadora sa hirit nitong furlough.
Pasado alas-dos ng madaling araw nang lumabas ang convoy ng senadora sa PNP Custodial Center patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 4 para sa kanyang byahe patungong Naga City.
Mayroon lamang si De Lima na maximum na 48 hours kasama ang travel time para dalawin ang kanyang ina kaya inaasahang babalik din ng Metro Manila ang senadora bukas.
Pinaburan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang naging desisyon ng korte.
Sinabi ni Guevarra na pagdating sa pagmamahal at pagpapahalaga sa magulang lahat ay pantay-pantay anuman ang pagkakaiba.