Umapela si Senadora Leila de Lima na mabigyan ng kalayaan bago ang Semana Santa sa darating na Abril.
Sa sulat kamay na liham ng Senadora, sinabi nitong naging panata na niya taun-taon tuwing Biyernes Santo ang pakikibahagi sa prusisyon sa parokya sa Iriga City.
Nanawagan si De Lima na samahan siya ng publiko sa panalangin niyang ito.
Si De Lima ay naka-detine ngayon sa PNP Custodial Center dahil sa kasong may kaugnayan umano sa operasyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).
European Parliament
Samantala, nanawagan ang ilang miyembro ng European Parliament para sa pagpapalaya kay Senador Leila de Lima.
Sa ipinasang resolusyon ng European Parliament, inilatag ng parliamentarians ang ilang usaping may kinalaman sa kaso ni De Lima.
Kabilang dito ang sapat na seguridad para kay De Lima habang nakakulong ito at fair trial, pagbasura sa lahat ng mga kaso laban kay De Lima na may halong pulitika at pagtapos na sa mga harassment laban sa senador.
Ang nasabing mosyon ay isinumite para pag-usapan ng parliament at naghihintay na sa tinaguriang first reading single reading-budget first stage.
Kasabay nito ay isinulong ng European Parliament ang isang independent international investigation sa kampanya ng gobyernong Duterte laban sa iligal na droga.
Binigyang diin ng European Parliament na dapat isama ng gobyerno sa anti-illegal drugs campaign ang mga hakbangin para sa prevention at detoxification habang hinihimok ang gobyerno na magbukas ng mga bagong rehabilitation centers.
By Ralph Obina | Judith Larino