Tinawag na ‘kademonyohan’ ni Senador Leila de Lima ang walang tigil na pagbabato ng akusasyon sa kanya bilang protektor ng illegal drugs.
Pinakahuli sa pinalagan ni De Lima ang alegasyon na bumuo ng 16 na milyong piso ang drug convict na si Jayvee Sebastian para sa kanyang kampanya noong tumakbo ito bilang senador.
Itinanggi ni De Lima na may pamangkin siyang Jad de Vera na sinasabing tagakolekta ng drug money mula kay Sebastian tuwing Miyerkules at Sabado.
Naniniwala si De Lima na puwedeng tinakot o pinangakuan ng kung ano ang mga convicted druglords na di umano’y haharap sa imbestigasyon ng House of Representatives para ituro siyang protektor ng drug trade sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Galit anya sa kanya ang mga convicted drug lords dahil kung matatandaan, ay ipinalipat niya sa NBI custody ang tinaguriang Bilibid 19 nang i-raid nila ang NBI noong panahong siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Itinanggi rin ni De Lima na sadyang iniwan niya sa NBI si Sebastian nang ilipat niya ang Bilibid 19 para masolo ang bentahan ng droga.
Mayroon anyang maganda at tamang dahilan kayat iniwan niya sa NBI si Sebastian bagamat hindi muna niya ito isisiwalat sa ngayon.
Kasabay nito, iginiit ni De Lima na wala siyang planong dumalo sa imbestigasyon ng House of Representatives.
EJK and DDS probe
Samantala, bukas si Senador Leila de Lima na ihiwalay sa imbestigasyon ng extrajudicial killings ang hinggil sa DDS o Davao Death Squad kung saan tumestigo si Edgar Matobato.
Ayon kay De Lima, handa siyang sumunod kung ito ang kagustuhan ng mas nakakarami sa Senado.
Gayunman, iginiit ni De Lima na konektado sa EJK ang testimonya ni Matobato hinggil sa pagpatay sa mga kriminal na di umano’y ginagawa nila noon sa Davao city.
Sinabi ni De Lima na nais lamang nilang ipakita na mayroong pattern ang EJK na nangyayari ngayon dahil ang mga patayang kinasasakutan ng DDS ay nangyari sa ilalim rin ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang mayor noon ng Davao City.
Sa ngayon anya ay nasa proseso na sila ng pagkuha sa judicial affidavit ni Matobato kung saan mas detalyado ang mga kuwento nito tungkol sa DDS.
Aminado si De Lima na si Matobato pa lamang ang hawak nilang testigo at may personal na kaalaman sa DDS.
Kaya naman anya maging si Matobato ay mayroong panawagan sa mga naging kasamahan niya noon sa DDS na lumantad at ibunyag ang kanilang mga nalalaman.
By Len Aguirre