Napili na ang bagong lider ng minorya sa Kamara.
Ipinabatid ni Ilocos Sur Representative Rodolfo Fariñas na si ABS Party-list Representative Eugene de Vera ang bagong House Minority Floor Leader batay na rin sa ginawa nilang botohan kung saan nakakuha ito ng 13 boto.
Sinabi ni Fariñas na si De Vera ay kapalit ni Quezon Representative Danilo Suarez.
Ang mga kongresista aniyang hindi bumoto kay bagong House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at hindi sumama sa mayorya ang nagbotohan para piliin si De Vera bilang bagong lider ng minority group.
Kasabay nito, ibinunyag ni Fariñas na ilang kongresista ang kumausap at kumumbinsi sa kanyang iwan si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at bumoto na rin kay Arroyo kapalit nang pananatili niya bilang majority leader.
Tinanggihan aniya niya ang nasabing alok at napalitan siya ni Camarines Sur Representative Rolando Andaya.
Sinabi naman ni De Vera na handa silang umakyat sa Korte Suprema kung sakaling hindi siya ang kilalaning minority leader sa Kamara.
Iginiit ni De Vera na bahagi na ng mayorya si Congressman Danilo Suarez na dating minority leader, dahil ibinoto niya si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sa ilalim ng panuntunan, kailangan aniyang mag-apply muli si Suarez kung nais pa rin nilang maging bahagi ng minorya.
Maliban kina De Vera at Suarez, iginigiit rin ni Congressman Miro Quimbo na siya ang dapat na minority leader dahil hindi sila lumahok sa paghalal kay Arroyo bilang House Speaker.
Kinontra naman ni Quezon Representative Danilo Suarez ang pagluklok ng ilang kongresista kay ABS Party-list Representative Eugene de Vera bilang minority leader ng kamara.
Iginiit ni Suarez na siya at ang kaniyang grupo pa rin ang bumubuo sa Minority Bloc sa Mababang Kapulungan.
Dahil dito, inalis ni Suarez sa kanilang grupo si De Vera at nasaktan aniya siya sa pagtalikod sa kanila ng kongresista na hindi naman ikinunsulta sa kanila.
—-