Binigyan ng Commission on Elections o COMELEC ng hanggang Nobyembre 4 ang sinumang nagnanais sumali sa negotiated procurement para sa electronic transmission service sa darating na 2016 elections.
Ito ang siyang magpapadala ng resulta ng botohan mula sa presinto hanggang sa munisipiyo o lungsod hanggang sa provincial at national canvassing centers.
Sa isang notice na ipinalabas ng COMELEC Bids and Awards Committee, sinabi ni Helen Aguila – Flores, chairman ng komite na kailangang ipadala sa Palacio Del Gubernador sa Intramuros ang bid ng isang nagnanais lumahok na nakalagay sa isang selyadong envelope.
May nakalaang P558 Milyon para sa nasabing kontrata kabilang na ang buwis na hindi lalagpas sa VAT, income tax at iba pang gastusin tulad ng delivery cost.
Paglilinaw naman ni COMELEC Chairman Andy Bautista, pinapayagan naman ng batas ang negotiated procurement sa ilalim ng Republic Act 9184 o government procurement reform act lalo’t dalawang beses nang nabigo ang bidding para rito.
By: Jaymark Dagala