Muling pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DOF) ang deadline sa pagbabayad ng buwis.
Kasunod na rin ito ng panibagong dalawang linggo pang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa hanggang ika-15 ng Mayo.
Sa ipinalabas na Revenue Regulations No. 11-2020 nina BIR Commissioner Caesar Dulay at Finance Secretary Carlos Dominguez III, maaari pang maghain ng income tax return at iba pang tax duties hanggang ika-14 ng Hunyo nang walang multa.
Ito na ang ikatlong beses na pinalawig ng pamahalaan ang huling araw sa pagbabayad buwis mula noong ika-15 ng Abril na siyang orihinal na deadline alinsunod sa itinatakda ng batas.
Dagdag ng BIR, sakaling palawigin pang muli ang ECQ matapos ang ika-15 ng Mayo, muli din nilang i-aatras ng 15 araw ang deadline sa pagbabayad ng buwis.