Muling pinalawig ng pamahalaan ang deadline o palugit para sa paglalagay ng motorcycle barriers hanggang katapusan ng Hulyo.
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, kasunod ito ng kahilingan ng mga motorcycle riders na mabigyan pa sila ng karagdagang panahon para makasunod sa nabanggit na requirement sa pag-angkas.
Sinabi ni Eleazar, inabisuhan na rin ang mga dealers ng motorsiklo sa buong bansa kung saan maaaring makabili ng aprubadong disenyo ng barrier.
Maaari rin aniyang mabili ito sa mga kilalang online stores.
Samantala, tiniyak naman ni Eleazar na nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Department of trade and industry para matiyak na walang maibebentang mga substandard na motorcycle barrier.
Magugunitang noong Hulyo 10 pinayagan na ng pamahalaan ang pag-angkas sa motorsiklo ng mga mag-asawa at live in partners sa kondisyong maglalagay ng mga motorcycle barriers.