Hanggang Miyerkules na lamang o June 8 ang taning ng mga kumandidato nitong May 9 elections para magsumite ng kanilang SOCE o Statement of Contributions and Expenditures sa Commission on Elections o COMELEC.
Ipinaalala ni Atty. Mazna Luchavez-Vergara ng COMELEC Campaign Finance Office, na sakop ng panuntunan ang lahat ng kandidato nanalo man o natalo.
Ayon kay Vergara, kailangang maisumite ng mga nanalo at natalong kumandidato sa eleksyon ang hard at soft copy ng kanilang SOCE.
Ang kabiguan anyang isumite ang isa man sa mga ito ay nangangahulugan ng kabiguang makasunod sa regulasyon.
Wala anyang ibinibigay na extention ang COMELEC para sa mga hindi makakapagsumite ng SOCE sa itinakdang panahon.
Multa ang naghihintay para sa unang paglabag samantalang posibleng hindi na payagang makahawak ng anumang posisyon sa gobyerno sa ikalawang paglabag.
By Len Aguirre