Pumayag si Speaker Pantaleon Alvarez sa hirit ng mga airline company at ng Manila International Airport Authority na palawigin pa ang deadline para makasunod sa rationalization plan ng Ninoy Aquino International Airport.
Mula sa 45 araw na palugit na ibinigay ni Alvarez pumayag ito sa pakiusap na gawing hanggang anim na buwan para mailipat ang domestic operation sa Clark International Airport.
Ayon kay Alvarez, nabigyang katwiran ng mga airport authorities kung bakit kailangan niyang pagbigyan ang kanilang hirit.
Sa pagharap sa transportation committee, sinabi rin ni MIAA General Manager Ed Monreal na malabo talagang maisakatuparan ang rationalization plan sa loob lamang ng 45 araw.
Sa nasabing plano sa NAIA gagamitin na lang ang terminals 1 at 3 para sa international flight at terminals 2 at 4 para sa domestic flights habang ang ibang sobrang domestic flights ay ililipat sa Clark International Airport.
Ito ang isa sa nakikitang solusyon para mabawasan ang dami ng mga pasahero sa NAIA.
Una na rito, nagbanta si Alvarez na babawiin ang prangkisa ng airlines sa oras na mabigong sumunod sa plano sa loob ng itinakdang panahon.
RPE