Karamihan sa mga tutol sa death penalty bill ay yung mga hindi na-apektuhan ng krimen dulot ng iligal na droga.
Ito ang binigyang diin ni Senador Tito Sotto sa panayam ni Cely Bueno sa programang Usapang Senado ng DWIZ.
Kaugnay ito sa pagpapa-pasa ng panukalang death penalty bill sa senado.
Ayon kay Sotto, kanyang si-siguraduhin na ang parusang kamatayan ay ipapataw lamang sa mga high-level drug trafficker.
“Death penalty for high-level drug trafficking para sa akin, yung death penalty for all, ay hindi naman talaga kami papayag doon eh. Hindi naman mangyayari yun, yung drug pusher na may dala-dalang isang (1) kilo papatayin mo na, death penalty, hindi naman mangyayari yun eh kasi hindi naman siya high level eh.”
“Kahit na sampung (10) trak ang dala-dala mo, dina-drayb mo isang (1) toneladang trak, drayber ka lang eh, drayber ka lang. Sa batas ko, dun sa pino-propose ko hindi ka death penalty, kulong ka lang. Yung mga drug lord lang, yung high level lang.”
Kailangan umano ang naturang panukala dahil hindi titigil ang mga drug lords kahit mahuli pa sila.
Kung mahuli man umano, ay magpapatuloy parin ang transaksyon ng iligal na droga kahit pa nasa loob na sila ng kulungan.
“Kontra ako kung isasama mo yung mga kung anu-anong mga crimes, mga homicide, mga ganun, na mahirap panindigan ang death penalty law. Ako mismo hindi ako sang-ayon kasi maikulong mo lang yung rapist, maikulong mo lang yung murderer, hindi na makaka-ulit pero yung high-level drug trafficker, ikulong mo man, uulit pa, nag o-operate pa kaya dapat dun evaporate para hindi maka-ulit. Yung ang punto ko kaya ang death penalty ay kailangan.”
Ani Sotto, ang kanyang isinusulong na batas ay hindi isang anti-poor dahil wala naman umanong mahirap na drug lords.
At kung meron man, kanya umanong iwi-withdraw ang isinusulong na panukala.
Samantala, iginiit ni Sotto na ang mga bansang hindi kasapi sa ASEAN ay yun pa ang mga kumukontra sa ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte.
Anya, ang hakbang na ito ay pagpapakita lamang na pabor ang mga ito sa illegal drugs.
” Yung pakikialam nung ibang bansa sa atin, eh yung mga bansang nakikialam eh mga bansang pumapayag sa droga. Hindi niyo ba napansin?”
“Ito bang mga ASEAN countries na lumalaban din sa droga, binibweltahan ba tayo? Hindi. Hindi tayo pinipintasan ng mga bansa eh na kontra rin sa droga. Yung mga pumipintas yung okay sa kanila ang droga”
Sen. Sotto sa pahayag ni Sen. Drilon na patay na ang death penalty bill sa senado: ‘Hindi ako kumbinsido’
Isa lamang umanong ‘pa-kwela’ ang pahayag ni Sen. Franklin Drilon na patay na ang panukalang death penalty bill sa senado.
Ito ay ayon kay Senador Tito Sotto dahil hindi pa umano sila nag de-debate patungkol dito.
Mahirap umanong magsalita at baka magulat na lang umano si Drilon na dumami ang pumabor sa naturang panukala lalo na kung ang sentro nito ay ang mga high-level drug trafficker.
Ani Sotto, maging si Sen. Koko Pimentel ay maaring makumbinsi sa ganitong daloy ng panukala.
Kaya’t malaki umano ang posibilidad na umabot pa hanggang 18 ang bumoto dito.
Samantala, nilinaw ni Sotto na walang anumang nagmamadaling utos ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpasa ng death penalty bill sa senado.
By Race Perez | Usapang Senado (Interview)