Muling isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA o State of the Nation Address ang muling pagpapataw ng parusang kamatayan o death penalty sa mga heinous crimes.
Partikular na tinukoy ng pangulo ang mga kasong may kinalaman sa iligal na droga at pandarambong o plunder.
Ayon kay Pangulong Duterte, tone-toneladang shabu na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso ang natagpuan ng mga otoridad sa kasagsagan ng limang buwang Marawi siege.
Aniya, nasa 150 mga pulis at sundalo ang nasawi habang mahigit 2,000 ang sugatan dahil sa drug money na ginamit ng mga terorista sa pagkubkob sa Marawi City.
Binanggit din nito ang mga natagpuang palutang-lutang na mga bloke ng cocaine sa karagatan ng Pilipinas.
Samantala, binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tuluyang masusugpo ang iligal na droga sa bansa kung hindi rin malilinis ang pamahalaan mula sa kurapsyon.
“The drugs will not be crossed unless we continue to eliminate corruption that allows the social monsters to survive. I reinstate death penalty for heinous crimes related to drugs as well as plunder.” — Bahagi ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte