Isusulong ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga kriminal sa pamamagitan ng pagbigti.
Ito, ayon kay Duterte, ay mangyayari sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan sakaling palarin siya sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Sa isang TV show, binigyang diin ni Duterte na hindi siya mangingiming gamitin ang militar at pulisya o kaya’y ang kapangyarihan bilang pangulo para ipatupad ang parusang bitay.
Giit niya, nagiging malaking banta na sa pambansang seguridad ang problema sa droga sa Pilipinas.
Ayon kay Duterte, irerekomenda niya rin sa kongreso ang paglikha ng mga special courts na lilitis sa mga kaso ng droga at gayundin ang pag-repeal o pagpapawalang bisa sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sinabi ng alkalde na sa halip na makatulong ay lalo pa umanong lumalala ang kriminalidad dahil sa naturang batas ni Sen. Kiko Pangilinan.
By: Jelbert Perdez