Target ng pamahalaan na mabawasan ang mga naitatalang kaso ng water-borne infectious diseases tulad ng influenza, leptospirosis at dengue na dumarami lamang tuwing panahon ng tag-ulan.
Ito ang inihayag ni Dr. Noni Evangelista, program manager ng Department of Health (DOH) – National Aedes-Borne Viral Diseases Prevention and Control Program.
Ipinagmalaki ni Evangelista, bumaba ng 76% ang mga kaso ng namamatay dahil sa sakit na dengue sa bansa sa nakalipas na walong buwan ng taong ito.
Batay sa datos, nasa .39% na lamang ang fatality rate ng dengue cases sa Pilipinas ngayong taon kung saan, mula sa mahigit 1,600 noong isang taon ay nasa 231 na lang ang mga nasasawi dahil sa dengue ngayong taon.
Gayundin ang naitatala nilang bagong kaso ng dengue na nasa halos 60,000 kumpara sa mahigit 430,000 noong nakalipas na taon.
Paliwanag ni Evangelista, ang pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa ay bunsod ng kanilang multi-pronged approach katuwang ang iba’t-ibang ospital gayundin ang mga lokal na pamahalaan.