Sumampa na sa 20 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha na dulot ng Low Pressure Area(LPA), Northeast monsoon o Amihan, at Shearline mula noong January 1, 2023.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 5 ang naitalang namatay sa Region 5; 6 sa Region 8; tig-4 sa Region 9 at Region 10; at isa sa Region 11.
10 mula sa nasabing bilang ang naberipika na habang 10 naman ang inaalam pa.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 8 sugatan mula sa Region 9 at Region 10 habang isa ang nawawala sa BARMM.
Umabot naman sa 133,258 pamilya o katumbas ng 552, 131 indibidwal ang naapektuhan.
Samantala, pumalo na sa P257,765,961 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura habang P171,230,996 sa imprastruktura.
Batay sa PAGASA, patuloy pa rin na magpapaulan sa mga apektadong lugar ang LPA na natagpuan malapit sa Surigao del Sur at ang Northeast monsoon o Amihan.