Posibleng underreported ang naitalang bilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang inihayag ni dating COVID-19 Task Force adviser Dr. Tony Leachon batay na rin sa kanyang nakikitang sitwasyon sa mga ospital.
Ayon kay Leachon, posibleng nasa 4,000 ang mga nasawi dahil sa COVID-19 sa bansa ang hindi naisama sa opisyal na talaan ng pamahalaan.
Paliwanag ni Leachon, dahil sa dami ng mga pasyenteng nagtutungo sa mga emergency rooms ng iba’t ibang ospital na may malala nang kalagayan, marami sa mga ito ang nasasawi nang hindi pa naisa-swab test.
Aniya, tanging x-ray pa lamang ang maisasagawa kung saan makikitang mayroon itong typical COVID-19 pneumonia.
Gayunman hindi mairereport ang mga ito bilang COVID-19 case dahil hindi naisalang sa swab test bago masawi.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health, nasa 2,039 na ang nasawi dahil sa COVID-19 sa bansa mula sa mahigit 98,000 libong kumpirmadong kaso.