Pumapalo na sa halos 500 ang nasawi dahil sa dengue sa unang anim (6) na buwan ng taon.
Batay ito sa talaan ng Department of Health (DOH) kung saan umabot na sa mahigit 106,000 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng dengue mula noong Enero hanggang Hunyo 29 ng 2019.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, 85% mataas ang nasabing bilang kumpara sa naitalang mahigit 57,000 noong nakalipas na taon sa kaparehong panahon.
Aniya, pinakamatinding tinamaan ng dengue ang mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga at Northern Mindanao.
Habang nabatid din aniya ang pagtaas ng kaso sa Ilocos, Cagayan, Mimaropa, Eastern Visayas, Davao Soccsksargen, Cordillera at Bangsamoro Region.
Tiniyak naman ni Duque na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross para masigurong sapat ang suplay ng dugo.