Umakyat na sa lima ang death toll sa nangyaring walang habas na pamamaril sa bayan ng Aroroy sa lalawigan ng Masbate, kahapon.
Ayon sa Aroroy police, hindi na naisalba pa ang buhay ng dalawa sa tatlong sugatan na isinugod sa pagamutan matapos ang insidente ng pamamaril.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ariel Rubis Madrilejos, 30-anyos, barangay tanod; John Paul Aguilar Cristobal, 19-anyos, SK kagawad; Dijie Roxas Cabarles, 31-anyos, Jeo Villantes Cabarles, 21-anyos at Ricky Perez Alejo, 29-anyos at isa ring barangay tanod.
Samantala, patuloy namang nilalapatan ng lunas si Jury Pablo Cabarles, 31-anyos at chief tanod ng Barangay Nabongsoran.
Base sa inisyal na ulat ng pulisya, posibleng may kinalaman sa halalang pambarangay ang nangyaring insidente na naganap mismo sa bahay ng nanalong kapitan na si Leo Vabarles na nasa ligtas ngayong kalagayan.