Patuloy na nadadagdagan ang death toll sa tinaguriang ‘Blizzard of the Century’ sa Amerika kung saan pinaka napuruhan ang New York.
Batay sa pinakahuling datos ng mga otoridad, umabot na sa 31 ang nasawi sa Erie County kabilang na ang siyudad ng Buffalo, habang 25 naman ang naitala sa 11 US States.
Samantala, nananatiling sarado ang international airport at epektibo pa rin ang driving ban sa lungsod ng Buffalo, kung saan libu-libong residente ang wala pa ring kuryente.
Sinabi naman ni Buffalo Mayor Byron Brown na ilang insidente ng looting ang naiulat sa siyudad kung saan walo na ang naaresto.
Inaasahan naman ng mga otoridad na tataas na ang temperatura sa lugar ngayong linggo ngunit pinangangambahan naman na magdudulot ito ng pagbaha.