Sumampa na sa 6 ang death toll habang 136 ang sugatan sa naganap na magnitude 7 na lindol sa Abra nitong Miyerkules.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula sa Ilocos Region ang isang nasawi habang lima sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Kabuuang 79,260 indibidwal o 19,486 na pamilya ang naapektuhan ng lindol sa Ilocos Region at Cordillera.
Nasa 5,819 na indibidwal o 1,622 pamilya naman ang nananatili pa rin sa 26 evacuation centers habang 360 pamilya o 1,512 indibidwal ang nakatira sa kanilang mga kamag-anak.
Umabot na rin sa 4.5 million pesos ang halaga ng pinsala sa irigasyon habang 3.8 million pesos sa sektor ng agrikultura sa Cordillera.
Samantala, naibalik na ang suplay ng kuryente sa 38 mga lungsod at munisipalidad sa mga nasabing lugar.