Binuweltahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Human Rights Watch matapos sabihin ng grupo na hinihimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng war crimes.
Kasunod naman ito ng alok na P25,000 pabuya ng Pangulo sa bawat New People’s Army o NPA member na mapapatay ng mga katutubong Lumad.
Ayon kay Lorenzana, madalas na hindi makatwiran at may kinikilingan ang mga pagbatikos ng HRW laban sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Kinuwestiyon pa ni Lorenzana ang panananahimik lamang ang HRW sa mga pagpatay na ginagawa ng NPA habang mabilis ito sa pagbatikos laban sa mga hakbang ng pamahalaan.
Dagdag ni Lorenzana, nanahimik lamang grupo nang ipag-utos ni Communist Party of the Philippines o CPP Founder Jose Maria Sison sa NPA ang pagpatay sa isang sundalo kada rehiyon araw-araw at maging sa kaso ng pagpatay sa isang Lumad leader at anak nito.
Iginiit pa ni Lorenzana na kabilang sa mandato ng pamahalaan ang supilin ang mga rebelde at terorista at hindi na bago ang pagbibigay nila ng pabuya.
(Ulat ni Jonathan Andal)