Tiniyak ng Department of National Defense o DND na gagamitin ng pamahalaan ang buong puwersa para papanagutin ang mga may sala at ihatid ang katarungan sa mga nagluluksang pamilya.
Ito’y kaugnay sa nangyaring pagsabog sa Lamitan Basilan na ikinasawi ng sampu kabilang na ang driver/suspek, ilang miyembro ng security force at mga sibilyan.
Babala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga grupong nagbabalak maghasik ng gulo partikular na sa Mindanao na huwag magpapakasiguro dahil hindi sila mangingiming durugin ang mga ito.
Samantala, hinikayat ni Lorenzana ang publiko na iwasang gumawa ng anumang ispekulasyon.
Ayon sa kalihim, mariin niyang kinukondena ang nabanggit na pagsabog bagama’t hindi aniya nila isinasantabi ang mga posibleng motibo sa insidente.
Makabubuti aniyang hayaan na muna ang mga alagad ng batas ang siyang mag-imbestiga sa pangyayari bilang iyon naman ang kanilang tungkulin.
Ang mahalaga aniya ay napigilan ng mga tropa ng pamahalaan ang mas malaking pinsalang posibleng idulot ng insidente kapalit ang buhay ng mga mararangal na kawal ng bayan.
—-