Kakastiguhin ng pamahalaan ang sinumang sundalong na-assign sa Marawi City na mapatutunayang sangkot sa looting o pagnanakaw.
Ito ang tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos mapaulat na isang military officer at limang enlisted personnel ang iniimbestigahan dahil sa umano’y pagnanakaw sa mga bahay sa Marawi City.
Ayon kay Lorenzana, kanilang a-aksyunan ang nasabing reklamo at tiniyak na pananagutin ang mga nasasangkot na miyembro ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Dagdag ni Lorenzana, nakahanda ang pamahalaan na harapin ang anumang reklamo mula sa ilang residente ng Marawi City matapos magpahayag ng pagkadismaya ang mga ito dahil sa mga nasira nilang ari-arian.
Nakahanda din aniya ang pamahalaan na humarap sa posibleng imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng nangyaring giyera sa Marawi City.