Hangga’t walang ceasefire walang peace talks.
Ito ang iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng pag-aming hinaharang niya ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front) at inirekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ito.
Ayon kay Lorenzana, walang patutunguhan ang peace talks dahil wala namang nilalagdaan na tigil putukan ang mga rebelde.
Aniya, hindi patas na habang na umaarangkada ang usapang pangkapayapaan ay tuloy lang ang mga rebelde sa kanilang masasamang gawain tulad ng pangongotoke at pag-atake sa tropa ng pamahalaan.
Dagdag ni Lorenzana, malabo ang gusto ng mga lider ng CPP-NPA-NDF na bago lumagda sa bilateral ceasefire ay ibigay muna ang kanilang mga hinihinging reporma.
Pangulong Duterte wala pang pinal na kautusan kaugnay sa peace talks
Wala pang ibinibigay na pinal na kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa government peace panel kaugnay ng naging pahayag nitong tuluyan nang ibabasura ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at CPP – NPA – NDF.
Ito ang inamin ni Government Chief Negotiator at Labor Secretary Silvestre Bello, bagama’t aniya seryoso ang Pangulo sa kanyang sinabi na pagpapatigil sa usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Bello, kanila pang hinihintay ang utos mula sa Pangulo para sa pormal na pagwawakas ng peace talks sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat sa mga lider ng komunistang grupo.
Aniya, magiging epektibo ang termination ng peace talks, tatlumpong (30) araw matapos na matanggap ng kabilang panig ang nasabing sulat.
- Krista De Dios | Story from Jonathan Andal