Itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nanghimasok si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa frigate acquisition project o pagbili ng barkong pandigma ng Philippine Navy.
Ayon kay Lorenzana, napagkamalan lang niya na galing kay Go ang ini-abot sa kanyang dokumento noon sa loob ng Malakanyang kaya’t nang ipasa niya ito sa navy ay binanggit niyang galing ito kay Go.
Laman ng dokumento ang mga impormasyong nag-e-endorso sa isang kumpanya mula South Korea para magkabit ng Combat MANAGEMENT system o C.M.S. na mag-ko-control sa mga armas na ikakabit naman sa barko.
Sumagot naman noon ang PH Navy at sinabing ang kumpanyang galing sa Netherlands ang mas angkop sa barko at dito na nagsimula ang debate na tumagal ng ilang buwan.
Hanggang nitong Disyembre, sinibak sa pwesto ang dating hepe ng navy na si Rear Admiral Joseph Mercado dahil sa hindi umano nito pagsunod kay Lorenzana.
Samantala, pinabulaanan din ni Mercado na naki-alam si Go sa isyu at wala itong binanggit sa kanyang anumang kumpanya kahit ilang beses na silang nagkausap at nagakasama sa iba’t ibang aktibidad noon.