Inakusahan ng isang whistleblower sa umano’y maanomalyang P1.2 billion peso chopper deal si Defense Secretary Voltaire Gazmin ng pagpabor sa supplier nang lagdaan at aprubahan nito ang contract agreement kahit pa natapos na itong i-award.
Ayon kay Rhodora Alvarez, empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi maitatanggi ni Gazmin na nagkaroon ng amendments sa kontrata ng joint venture ng rice aircraft services at eagle copters dahil siya mismo ang lumagda nito.
Sa ilalim aniya ng batas ay dapat magkaroon lamang ng amendment tuwing may pre-bid conference at hindi pagtapos i-award ang kontrata indikasyon na nagkaroon ng paglabag sa procurement law.
Ang nilagdaang amendment ng kontrata ay inirekomenda ng Contract Termination and Review Committee o CTRC ng Department of National Defense (DND).
Sa affidavit ni Alvarez na isinumite sa komite, mayroon umanong 7 -percent commission si Gazmin at 5-percent kickback para sa iba pang opisyal.
By Drew Nacino