Binalaan ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor ang mga ospital na food items sa halip na cash ang ibinigay sa mga health worker.
Kasunod na rin ito ng mga reklamong natatanggap ni Defensor hinggil sa specialty hospital sa Quezon City na pinalitan ng bigas at groceries ang dapat sana ay P40,000 cash incentives para sa health workers.
Ipinaalala ni Defensor na sa Bayanihan 2 ang kada health personnel ay dapat mabigyan ng buwanang risk allowance bukod pa sa kanilang hazard pay at iba pang benepisyo.
Kung tutuusin sinabi ni Defensor na ilang buwan nang delayed ang nasabing dagdag kumpensasyon kayat hindi makatarungang palitan ito ng bigas at groceries.
Mananagot aniya sa paglabag sa procurement law ang mga naturang ospital kung itutuloy ang pagbili ng food items kapalit ng dapat ay cash incentives para sa health workers.
Binigyang diin naman ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pinapayagan ang pagpapalit ng cash incentives sa in kind at walang direktiba ang ahensya para gawing bigas at groceries ang cash incentives para sa mga health worker.
Dahil dito hiningi ni Duque ang pangalan ng mga ospital na nagsasagawa ng nasabing hakbang para maimbestigahan ang mga ito.