Nanawagan si Anakalusugan Partylist Congressman Mike Defensor sa pamunuan ng Department of Health (DOH) na huwag kastiguhin o parusahan ang mga doktor na nagreseta ng Ivermectin sa Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ni Defensor na hindi ang mga volunteer doctors ang kailangang panagutin sa pamamahagi nila ng naturang anti-parasitic drug at sa halip ay siya na lamang mismo.
Mababatid na nitong nakaraang linggo nang mamahagi si Defensor kasama ang kapwa mambabatas na si Sagip Partylist Congressman Rodante Marcoleta ng naturang gamot sa isang barangay sa Quezon City.
Kasunod nito, pinuna ng DOH ang mga resetang ginawa ng mga volunteer doctors dahil ito’y nakalagay sa kapirasong papel at kapansin-pansing wala ring pangalan o license number ng mga doktor.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na paglabag ang kanilang aktibidad sa umiiral na batas ng Food and Drug Administration (FDA).