Nawalan na ng kontrol ang dalawang kongresistang kaalyado ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa ilalim ng liderato ng kamara.
Ito ay matapos matanggal si Anak-Kalusugan Party-list Representative Mike Defensor bilang vice chairman ng limang house committees nang pagbotohan ng mga kapwa kongresista na mapalitan na.
Si Defensor ay pinalitan ni Congresswoman Dahlia Loyola bilang vice chairman ng health committee, Congressman Carl Nicolas Cari para sa committee on public information at Congressman Arnie Fuentebella para sa committee on dangerous drugs.
Pinalitan naman ni Congressman Jake Vincent Villa si Defensor bilang vice chairman ng committee of good government and public accountability at napunta kay Congressman Ian Paul Dy ang vice chairmanship ng special committee on strategic intelligence.
Una nang tinanggal si Defensor bilang chairperson ng house committee on public accounts.
Samantala, inalis din si Camarines Sur Representative Raymund Villafuerte bilang vice chairman ng public accounts committee.
Sinabi ni Villafuerte na tanggap niya ang ginawang pagsibak sa kanila ni Defensor sa komite na patunay aniyang maruming maglaro sa pulitika ang mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco.