Inilaglag ng kanyang mga sariling kasamahan si RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos Deguito na itinuturong nasa likod mismo ng money laundering scheme.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inihayag ni Atty. Macel Fernandez – Estavillo, Legal and Regulatory Group Head ng RCBC na pineke mismo ni Deguito ang pirma ni William Go.
Giit ni Estavillo, layon ni Deguito na palabasin na kay Go ang hinahanap na 81 milyong dolyar na ninakaw mula sa Central Bank ng Bangladesh.
Sinabi pa ng abogada na kumuha sila ng serbisyo ng isang signature verification company upang pag-aralan ang lahat ng mga banking records kung saan, napatunayan na pineke ang lagda ni Go.
May pagkakataon din ayon kay Estavillo na inimbestigahan nila si Deguito dahil hinggil sa misteryosong pagkaka-widthraw ng mahigit P22 milyong piso gamit ang pekeng pirma ng isa nitong kliyente.
Threat?
May nagbabadyang panganib umano sa buhay ni RCBC Jupiter Branch Manager Maia Deguito kaya’t inilipat nito ang 81 milyong dolyar na nakaw na pera mula Bangladesh patungo sa kanyang pinamumunuang sangay ng bangko.
Ito ang isiniwalat ng Customer Service Head ng RCBC Jupiter na si Romualdo Agarrado sa pagharap nito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado hinggil sa money laundering activities.
Pebrero 9 pa lamang ng taong ito, sinabi ni Agarrado na nakatanggap na sila ng liham mula sa main office ng RCBC na pumipigil sa pagpapalabas ng perang ninakaw mula sa nasabing bansa.
Bagama’t hindi aniya agad kumibo si Deguito, sinabi ni Agarrado na nagpaliwanag din sa kanya ito at sinabing mas pipiliin pang ilabas ang pera kaysa sa manganib ang buhay ng kanyang pamilya.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)