Nakatawag pansin sa atin ang panawagan at reklamo ng mga taga-Probinsiya ng Occidental Mindoro tungkol sa anila’y patuloy na nararanasan nilang brownout.
Sa pagtaya ng grupong 100% Brownout-Free Occidental Mindoro, umaabot umano sa anim hanggang labing-dalawang oras ang brownout sa lalawigan sa loob ng labing-pitong taon.
Sa reklamo ng isa sa mga convenor ng grupo na si Diana Tayag, kanyang isinawalat sa programang Ratsada Balita sa DWIZ, na marami nang mga negosyante ang umaaray sa tila kawalan ng aksiyon ng local at national government patungkol sa walang katapusang kalbaryo nila sa di masolusyunang problema sa malawakang brownout.
Tulad ni Tayag, na may negosyong ice plant at rice mill, ay malaki na ang kanilang ikinalulugi.
Bukod sa negosyo, ramdam din ang epekto ng kawalan ng kuryente sa mga mag-aaral at mga ordinaryong pamilya doon o household.
Inamin ni Tayag, na ugat ng brownout ay ang kasalukuyang kinakaharap na problemang pinansiyal ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO).
Gayundin ang kawalan ng aksiyon ng National Power Corporation (NAPOCOR) dahil umaasa lamang ang mga taga-Mindoro sa kuryenteng nanggagaling sa power barge.
Ang masaklap dito, idinulog na nila sa Department of Energy (DOE) ang suliraning ito, ngunit hanggang ngayon ay hindi sila pinapansin ng naturang kagawaran.
Sa pag-asang matugunan ang kanilang kalbaryo, naglunsad ang 100% Brownout-Free Occidental Mindoro, ng social media campaign na #wantedilaw, na ang layunin ay ipakita at iparinig sa kinaukulan ang kanilang hinaing sa matagal nilang pagtitiis.
Sa tulong ng website na www.Change.Org, hangad nilang makalikom ng limang libong pirma sa pag-asang makartaing ang kanilang panagawan sa Aquino Administration sa pamamagitan ng Kagawaran ng Enerhiya at NAPOCOR.
Prayoridad ng grupo ang agarang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ng DOE.
Tinatawagan natin ng pansin at atensiyon ang kalihim ng Energy Department Sec. Jericho Petilla, NAPOCOR President Grace Sta. Rita, maging ang mga halal na opsiyal ng Occidental Mindoro na kumilos kayo at bigyan ng solusyon ang problema ng inyong mga nasasakupan.