Nakatakda namang maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga abogadong Muslim para tutulan ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Ayon kay Atty. Jamal Latiph ng Philippine Muslim Society, ikinakasa na nila ang mga ilalatag nilang ebidensya mula sa Marawi City upang isumite sa high tribunal.
Giit ng abogado, walang pangangailangan para magdeklara ng Martial Law ang Pangulo dahil makakaya naman ng mga lokal na pamahalaan ang sitwasyon para mapaalis ng mapayapa ang mga bandido.
Marami na rin aniyang aral ang iniwan nang magdeklara ng batas militar si dating Pangulong Ferdinand Marcos kaya’t sa tingin ni Atty. Latiph, hindi nito mareresolba ang kaguluhan ngayon sa Mindanao.
Sa ilalim ng 1987 constitution, dito na papasok ang kapangyarihan ng Korte Suprema na pag-aralan at busisiin ang deklarasyon ng Pangulo upang mabatid kung may pangangailangan bang gawin ito o hindi.
By: Jaymark Dagala