Pinagpapaliwanag ng Malakanyang si dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario hinggil sa kung bakit hinayaan nitong sirain ng mga Chinese ang yamang dagat sa West Phillippine Sea noong panahon ng Aquino Administration.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, dapat na magbigay ng paliwanag si Del Rosario kung bakit nito pinayagang balahurain ng China ang yamang dagat sa pinag-aagawang teritoryo.
Kung matatandaan ani Roque, nangyari ang tuluyang pag-angkin ng china sa panatag shoal at pagsira sa angking yaman ng West Philippine Sea noong si Del Rosario pa ang Secretary of Foreign Affairs sa ilalim ng dating Aquino administration.
Kaya’t kung mayroon aniyang dapat na managot, itoy walang iba kundi ang dating administrasyon kung saan wala aniyang ginawa upang maresolba ang sigalot noon sa West Philippine Sea at mabigyang katarungan ang Pilipinas.
Ngunit nang maupo na sa pwesto si Pang. Rodrigo Duterte, sinabi ng kalihim, doon pa lamang humupa ang mga mapanirang aktibidad ng China sa West Philippine Sea at nagkaroon pa ng bagong pagkakaibigan ang Pilipinas at ang bansang Tsina. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)