Hinamon ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario si Pangulong Rodrigo Duterte na kumilos at totohanin ang paggigiit sa arbitral award sa isyu ng West Philippine Sea.
Ito ay matapos banggitin ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly (UNGA) ang tagumpay ng Pilipinas sa 2016 arbitral ruling laban sa China.
Sinabi ni Del Rosario na ang susunod na hakbang ng administrasyon ay maipatupad ang tinutukoy nitong tagumpay sa pamamagitan nang paghiling sa mas maraming bansa na suportahan ang nasabing arbitral ruling.
Ito aniya ay para mapansin ang isyu sa UNGA 2021 at ma-pressure ang mga kinauukulan na ipatupad ang ruling.
Winelcome naman ni Del Rosario ang pagbanggit ng pangulo sa arbitral win sa general assembly na nangangahulugang nakikinig ito sa sinasabi ng mga Pilipino.
Iginiit ni Del Rosario na hindi dapat masayang ang pagkakataong maibando ang usapin kapag kinakailangan.