Tuloy pa rin ang inihaing kaso nina dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario at dating Ombusdman Conchita Carpio Morales laban sa umano’y mga iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Ito ay sa kabila ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang reklamong inihain nila laban kay Chinese President Xi Jinping kaugnay ng mga paglabag ng China sa West Philippine Sea dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.
Ayon kina Del Rosario at Morales, may posibilidad pa ring magtagumpay ang kanilang inihaing kaso matapos ihayag ng ICC prosecutor na nakahanda silang tumangap ng mga bagong ebidensiya at patunay laban sa China.
Iginiit ng dalawang dating opisyal, hindi pa rin ibinabasura ng ICC prosecutor ang mga ibinahagi nilang impormasyon bagkus ay tatanggap pa ng mga bagong ebidensiya para maipagpatuloy ang kaso.
Sinabi ni Morales, kanila na munang hahayaang magsaya sa ngayon ang kabilang panig at abangan na lamang ng lahat ang susunod na mangyayari.