Nilinaw ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na una niya nang inabisuhan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gagamitin niya ang kanyang diplomatic passport.
Ayon kay Del Rosario, pormal niyang sinulatan ang DFA para ipagbigay-alam na gagamitin niya ang kanyang diplomatic passport sa isang business trip bago pa man umalis patungong Hong Kong.
Batay aniya sa proseso, isusumite ng DFA sa konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong ang mga ibinigay niyang impormasyon.
Kasunod aniya nito, susulat naman ang konsulado sa Hong Kong authorities kaugnay ng paggamit niya ng diplomatic passport.
Ginawa ni Del Rosario ang paglilinaw matapos kwestyunin ni Senate President Vicente Sotto III ang paggamit niya ng diplomatic passport kahit wala na ito sa serbisyo.
Gayundin ang pahayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na posibleng nagkamali si Del Rosario sa paggamit ng diplomatic passport dahil maituturing na pribado ang biyahe nito.