Binigyan ng deadline ng Malacañang si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa para pag-aralan ang posibleng pagbibigay ng medal of valor sa lahat ng apatnapu’t apat (44) na miyembro ng Special Action Force na napatay sa pumalpak na operasyon laban sa teroristang si Zulkipli Binhir alias Marwan sa Mamasapano Maguindanao, dalawang taon na ang nakakaraan.
Hanggang katapusan lamang ng Enero ang ibinigay kay Dela Rosa dahil may mga record naman ng imbestigasyon ang Kamara at ang Senado na puwedeng pagbasehan ng kanyang magiging desisyon.
Ang pagbibigay ng medal of valor sa apatnapu’t dalawa (42) pang miyembro ng SAF 44 ay hiniling ng kanilang pamilya nang humarap ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Matatandaan na tanging sina Chief Inspector Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron lamang ang nabigyan ng medal of valor sa ilalim ng Aquino administration samantalang medalya ng kabayanihan ang ibinigay sa apatnapu’t dalawang (42) iba pa.
By Len Aguirre | Report from Aileen Taliping (Patrol 23)