Hindi kumporme si Senador Ronald Dela Rosa sa pag-ban o pagbabawal sa social media platform na Facebook sa Pilipinas.
Kasunod ito ng naging banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pagtanggal ng Facebook sa mga umano’y mga pekeng account at pages sa kanilang network na nauugnay naman sa pulis at militar.
Ayon kay Dela Rosa, napakahalaga ng papel ng Facebook sa bansa lalu na’t nasa 77 milyong Filipino ang umaasa dito.
Aniya, karamihan ay sa Facebook na kumukuha ng balita.
Sinabi ni Dela Rosa, nais lamang niyang pagpaliwanagin ang Facebook hinggil sa naging hakbang nito gayundin ang pagpapaunawa sa nilalaman ng konstitusyon ng Pilipinas.
Una nang isinulong ni Dela Rosa ang pagsasagawa ng pagdinig ng Senado hinggil sa tinutukoy na “coordinated inauthentic behavior” ng Facebook bilang dahilan ng pag-alis nito sa ilang mga sinasabing pekeng account at pages.