Nanindigan ngayon si Senadora Risa Hontiveros na hindi na isolated case ang mga nangyayaring pagpatay sa mga menor de edad gaya ng sinapit umano ng 17 anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Sa pagdinig ng senate committee on public order, iginiit ni Hontiveros na mayroon aniyang polisyang nagdidikta o nagpapahintulot sa mga pagpatay sa mga drug suspects.
Naniniwala ang senadora na may malaking pangangailan para muling rebyuhin ang giyera kontra droga ng pamahalaan.
There’s a system to the killings, there’s method in the madness, kaya Malaki ang kalaban natin.
Hindi lang tig-dalawa o tatlong tiwalang police kundi ang isang malawakang polisiya na nagpapahintulot ng mga patayan sa ngalan ng tinatawag na ‘war on drugs’
Pinabulaanan naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang paratang ni Hontiveros at iginiit na walang direktiba si pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga walang habas na pagpatay sa mga nahuhuling sangkot sa iligal na droga.
Hindi rin napigilan ng PNP Chief ang maging emosyunal dahil sa hindi aniya patas na mga pahayag ng senadora.
Patunay nito ang datos aniya ng PNP kung saan nasa mahigit 120,000 drug suspects ang naaresto nang buhay ng pulisya.
Sana ‘yung hustisya rin ng karamihan ng pulis ko na nagtatrabaho, hindi rin sana madadamay sa sinasabi mong palisiya dahil I am grieving for a majority of my male where ‘yung buhay nila, tapos i-accuse mo kami ng palisiya na ‘yan.
Masakit… masakit your honor.
Magpakamatay kami para sa inosenteng tao hindi… napakahirap naman sabihin na palisiya na malawakang pagpatay.
Andyan si Lord, nakikita, alam niya.
Hinamon din ni Dela Rosa si Hontiveros na patunayan ang mga akusasyon nito laban sa hanay ng pulisya.
Your honor, kung ma-prove mo ‘yang palisiya na ‘yan your honor, right now your honor uuwi ako sa Davao your honor.
Aalis ako sa PNP kung talagang may palisiya na ganoon, malawakang patayan.
Nakahanap naman ng kakampi si Dela Rosa sa pamamagitan ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Percida Acosta na iginiit na walang basbas ni Pangulong Duterte ang walang habas na pagpatay sa mga drug suspect.
Wala pong pronouncement ang PAO na may pattern dito.
Uulitin ko po, walang palisiya ang gobyerno na pumatay ng walang awa, ang gobyernong ito.
Meron po ‘yung nasa revised penal code, ‘yung state of necessity, self defense, fulfilment of duty, ‘yun lamang po ‘pag nasa panganib ang buhay ng mga pulis.
Ako po mismo ang makapagpapatotoo na wala pong utos sa mga pulis na pumatay na walang kaawa-awa.
Kaya po ‘yung mga kliyente po namin 80,000 plus, nakakulong, buhay, hinuli ng mga kapulisan natin.
Kasi kawawa naman po ‘yung mga pulis na handang ibuwis ang kanilang buhay para sa ating Inang Bayan, parang nalalahat na sila.