Kinontra ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pahayag ni PNP Chief Gen. Debold Sinas kung saan hinimok nito ang publiko na iwasan ang pagkuha ng picture o video ng mga insidente ng krimen dahil posibleng mapahamak umano ang kanilang buhay.
Ayon kay Dela Rosa, napakalaking ambag sa ikalulutas ng kaso ang mga katibayang gaya ng kuha ng video o litrato.
Giit ng dating PNP chief, depende na iyon sa tao kung gusto niyang mag-video at isugal ang kaniyang kaligtasan makakuha lamang ng ebidensyang posibleng makatulong sa isang kaso o krimen.
Nuong 2017, sa pamumuno ni Dela Rosa sa PNP, sinuportahan nito ang pagkakaroon ng mga pulis ng body cameras lalo na sa pagsasagawa ng anti-drug operation upang maging transparent umano sa publiko ang naturang operasyon.