Hindi lahat ng siyam na libong (9,000) pulis na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga ay kabilang sa mga sindikato.
Ito ang ginawang paglilinaw ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa kasabay ng pagsasabing hindi galing sa Pambansang Pulisya ang nasabing bilang.
Ayon kay Dela rosa, posibleng ang ilan sa mga ito ay mga nagpabaya sa kanilang tungkulin na sugpuin ang iligal na droga sa kanilang nasasakupan.
Giit pa ni Dela Rosa na maliit lamang ang nasabing bilang kung saan limang porsyento lamang aniya ng kabuuang 175,000 mga pulis sa bansa.
Tiniyak pa ni Dela Rosa na kumikilos na ang PNP para aksyunan ang mga pulis na nasasangkot sa iligal na droga.
“Iyong involvement baka nasa pagpapabaya, baka grabe na yung alam niyang transaksyon ng droga sa area niya pero wala siyang ginagawa…”
(Ulat ni Jonathan Andal)