Tiniyak ni PNP chief Ronald Dela Rosa na maibabalik ang daily subsistence allowance ng Special Action Force troopers na dalawang taon umanong hindi ibinigay sa kanila.
Ito’y matapos kasuhan ng pandarambong sa Ombudsman si dating SAF Director Benjamin Lusad at iba pang opisyal ng SAF dahil sa hindi inilabas na halos 60 milyong pisong allowance ng mga SAF trooper na lumaban sa Marawi.
Ayon kay Bato, nadismaya siya nang mabalitaan ang nasabing kaso laban sa kanyang mga tauhan.
Kinausap na raw niya ang mga inirereklamo pero hindi na niya ito idenetalye pa.
Hindi naman na aniya nila iimbestigahan ang nasabing isyu dahil gumugulong na ang imbestigasyon dito ng Ombudsman para sa kasong administratibo at kriminal.
Pagtitiyak ni Dela Rosa, hindi dapat mag-alala ang mga SAF trooper dahil kumikilos na ang budget and fiscal officer ng SAF para ibalik ang hindi naibigay na allowance.