Hindi maaantala ang deliberasyon ng kamara sa panukalang P5.024 trillion national budget para sa susunod na taon dahil lamang sa mga report ng commission on audit.
Tiniyak ito ni House Appropriations Committee Chairman Eric Yap dahil kinikilala niya ang mandato ng COA na naaayon sa
1987 Constitution hinggil sa pag audit ng mga ginagastos ng gobyerno.
Gayunman, mas mabuti aniyang idiretso lamang ang mga findings ng COA sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.
Sinabi ni Yap na may 35 araw ang kamara para talakayin at aprubahan ang pinakamalaking panukalang budget sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Yap, sa maikling panahon ay posibleng hindi na aabot pa sa itinakdang araw ang pag apruba sa panukalang pondo para sa susunod na taon, kung hihimayin pa nila ang findings ng COA.
Binigyang diin ni Yap na mahalagang maaprubahan ang 2022 proposed national budget bago pa man matapos ang taong ito dahil malaki ang papel nito sa recovery ng ekonomiya ng bansa.
Ngayong araw na ito inaasahang sisimulan ng kamara ang committee deliberation para sa budget proposal ng ibat ibang ahensya at tanggapan ng gobyerno.