Gulat at pagkalito ang naramdaman ng isang delivery rider nang ihatid niya ang parcel ng online shopper na si Connie.
Si Connie kasi, nakahimlay na sa kabaong!
Sa video na in-upload ng kanyang pamangkin na si John Carlo Dimaranan, makikitang tila naguguluhan ang delivery rider kung paano ibibigay sa patay ang parcel nito.
Maririnig din na sinasabihan si Connie na bumangon na upang bayaran ang kanyang order!
Ayon kay John Carlo, mahilig talagang bumili online ang kanyang Tita Connie.
Ngunit isang araw, hindi na nagising mula sa pagkakatulog ang kanyang tita. Idinala pa ito sa ospital, pero namatay rin dahil sa heart attack.
Si Connie ay 44-anyos lamang.
Likas na mapagmahal si Connie at gusto niyang magbigay ng saya sa marami. Dahil dito, naisipan ng pamilya niya na biruin ang delivery rider na close naman sa kanila.
Kinaaliwan naman ng mga netizen ang video at sinabing hindi nila alam kung malulungkot o matatawa rito.
Inilarawan nga ng isang netizen ang pangyayari bilang literal na dead on arrival.
Komento pa ng isa, “Tapos bigla niyang ni-rate ‘yung product…”
Marami ring online shoppers ang pabirong nagsabi na sana hindi pa sila mamatay dahil marami pa silang hinihintay na parcel.
Mensahe naman ni John Carlo para sa lahat, hindi natin alam kung hanggang kailan lamang tayo mabubuhay, kaya kailangan nating pahalagahan ang oras na kasama natin ang ating mga mahal sa buhay.
Sabi nga niya, “A simple I love you and I miss you is a huge deal.”