Umapela ang pamahalaan ng Hong Kong sa kanilang mga residente na iwasan ang pagtawag ng ambulance service kung wala o nakararanas lamang ng mild symptoms sakaling magpositibo sa COVID-19.
Kasunod ito ng pagsipa ng bilang ng tumatawag sa ambulance services ng pamahalaan dahil sa lumalalang COVID-19 crisis sa kanilang bansa.
Ayon kay Director of Fire Services Joseph Leung Wai-hung, kinakailangan pang maghintay ng hanggang dalawampu’t anim (26) na oras ang mga residente bago madala ang mga ito sa ospital.
Paliwanag ni Leung, sa ganitong paraan mas mabibigyan nila ng atensyon ang mga mas nangangailangang pasyente para hindi na lumala pa ang kanilang kalagayan.
Maliban dito, nagkakaroon na rin ng kakulangan sa manpower ang bansa matapos tamaan ang ilan ng COVID-19. —sa panulat ni Abie Aliño-Angeles