Tila lalong lumala ang lagay ng demokrasya sa bansa.
Reaksyon ito ng political analyst na si Clarita Carlos sa harap ng mga aberyang naganap nitong eleksyon.
Hindi anya maiiwasan ang ispekulasyon dahil sa kakulangan ng sapat na paliwanag mula sa Commission on Elections (Comelec).
Tinukoy ni Carlos ang halos pitong oras na bagsak ang transparency server ng komisyon.
“Well, kung sinister ang mind mo eh di may nandaya kasi idugtong mo yung sa sinabi natin na, ano ba ang nangyari sa doon sa seven hours na radio silence kayo? Nag-swimming ba kayo sa Boracay nung seven hours na ‘yun di ba. I mean it is so absurd they had 1,000 days to prepare for that kasi hindi naman bago yun kasi pang apat na beses na nila ginagawa ‘yun.” Pahayag ni Prof. Carlos.
Samantala, para kay Carlos, maraming dahilan kung bakit halos walang pumasok na oposisyon sa mga napipintong manalong senador.
Kabilang aniya dyan ang kakulangan ng pondo at organisasyon.
Gayunman, ang nakakapangamba aniya ay kung may pangako ba sa Pangulong Rodrigo Duterte ang mga napipintong manalong senador.
“Siguro kung hindi sila nandaya at tama talaga yung lumabas sa eleksyon eh di okay ‘yun. Kaya lang itong 12 na ito meron ba silang premise sa presidente na boboto sila sa constitutional changes kasi yun ata ang hinihingi ng presidente kaya niya pinuno yung dalawang chambers para to be sure meron magsusulong ng kanyang federal system o parliamentary system.” Ani Prof. Carlos.