Apat (4) na pulis ang sugatan makaraan ang palitan ng putok sa marahas na demolisyon sa Calaanan Compound sa Caloocan City kaninang umaga.
Isa sa mga ito na kabilang sa Civil Disturbance Management Force ang tinamaan ng bala ng kalibre 38 baril sa kanang hita.
Dalawang lalaki na nakasuot ng pulang shorts ang sinasabing nagpasimuno ng pagpapaputok ng baril sa mga otoridad na kasalukuyan nang tinutugis.
Nangyari ang palitan ng putok nang umakyat sa bubungan ng isang bahay doon ang mga miyembro ng demolition team na sinabayan pa ng pagbabato ng bote mula sa mga residente.
Ayon sa report, inakala ng mga residente na tanging ang mga nakipag-areglo lamang sa may-ari ng lupa ang gigibain.
Ngunit ipinakita ng City Sheriff ang court order na nag-uutos na gibain ang lahat ng kabahayan sa nasabing lugar.
By Jaymark Dagala